Nanawagan si Deputy Majority Leader Bernadette Herrera-Dy sa mga malalaking bangko sa bansa na ipagpaliban muna ang paniningil ng transfer fees hanggang sa katapusan ng taon.
Batay sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), walong bangko lamang ang pumayag na suspendihin hanggang sa December 31, 2020 ang kanilang singil sa paggamit ng parehong Instapay at PESONet habang ang 10 ibang bangko na kabilang pa sa mga malalaking bangko sa bansa ay iwe-waive lamang ang transfer fees hanggang sa katapusan ng Setyembre.
Kabilang sa mga bangko na balik sa paniningil ng mga online interbank transfer fees ay ang BPI, BDO, Metropolitan Bank and Trust Co., Rizal Commercial Banking Corp., China Banking Corp., China Bank Savings, Bank of Commerce, Robinsons Bank, Philippine Savings Bank, at Philippine National Bank.
Giit ni Herrera, hindi pa tapos ang pandemya at marami pang mga tao ang nahihirapan sa epekto ng COVID-19 kaya nararapat lamang na palawigin pa ng mga bangkong ito ang kanilang tulong para sa mga distressed clients.
Dagdag pa ng mambabatas, kung nagagawa ng ibang mga maliliit na bangko na palipasin ang mawawalang kita mula sa fund transfer fees ay hindi hamak na mas dapat kaya itong gawin ng mga malalaking bangko sa Pilipinas.
Sa ganitong hakbang aniya ay mas mahihikayat ang mga tao na gawin ang digital transactions habang nasa bahay na mas ligtas kumpara sa lumabas ng tahanan.