Sa isinagawang regular na sesyon ng konseho, sinabi ni Councilor Edgar De Luna na maraming lugar ang pwedeng ipagmalaki sa Lungsod ng Cauayan na kailangan lamang ayusin at pagandahin.
Kaugnay nito ay ipinanukala ng City Tourism Office na magkaroon ng hiwalay na pangongolekta ng halagang P20 sa mga estudyante o gustong bumisita sa loob ng museum para sa maintenance at development nito bukod pa sa P30 na entrance fee sa Hacienda de san Luis.
Ayon kay Ms. Maribel Eugenio, City Tourism Officer, bukod sa pagpapanatili sa buong science centrum ay marami pa aniya ang mga dapat mabili na kailangang mailagay sa loob ng pasilidad para sa lalong ikagaganda nito.
Pinaboran naman ni City Councilor Gary Galutera ang collection of fees para sa pagsasaayos at improvement ng naturang centrum lalo’t isa rin aniya ito sa gustong tutukan ni City Mayor Caesar Jaycee Dy Jr. na palakasin ang turismo sa Lungsod.
Isinuhestiyon rin ni Galutera na habang wala pang pondo para sa beautification ng Hacienda de San Luis ay linisin muna ang madamong bahagi ng pasyalan para mas lalong mahikayat ang publiko na bumisita sa lugar.
Pero, sa kabila ng pagpanig ng ilang konsehal sa naturang panukala, hindi naman kumbinsido sina Councilor Atty. Paul Mauricio at Councilor Bagnos Maximo Jr. sa pagkolekta ng P20 pesos sa mga bibisita sa science centrum dahil karagdagang bayarin lang ito sa mga estudyante.
Kaya naman inirekomenda ni Mauricio na ayusin muna ang buong sistema at programa ng Tourism Office para mapaganda ang buong Hacienda de San Luis at lalong maengganyo ang mga gustong pumasok sa naturang pasyalan.
Ayon naman kay Vice Mayor Leoncio “Bong” Dalin, sinabi nito dapat minsanan lamang ang pagsingil ng entrance fee sa hacienda de san luis at science centrum para hindi na masyadong mabigat sa bulsa ng mga bibisita.
Ang importante aniya rito ay maipakita at mai-promote sa mga turista ang mga atraksyon at pwedeng gawin sa loob ng Hacienda de San Luis.
Sa huli, inabisuhan ang pinuno ng City Tourism Office na ayusin ang kanilang proposed ordinance para maamyendahan ng City Council at makipag-ugnayan rin sa Mayors Office at DOST upang matalakay ang naturang panukala.