Paninita ng mga pulis sa 2 magka-angkas na walang helmet, nauwi sa barilan

9113
Screenshot captured from Barangay Baclaran's CCTV.

Nasawi ang isang tauhan ng Parañaque police at isang suspek matapos magkabarilan sa Barangay Baclaran nitong Linggo ng gabi.

Kita sa CCTV na sinita ng mga pulis ang dalawang lalaking magka-angkas sa motor, na parehong walang suot na helmet, sa kanto ng Unida at Dimasalang Street


Sa gitna ng pag-uusap ay biglang bumunot ng baril ang isang angkas at tumangkang tumakas. Nauwi ang komosyon sa matinding habulan at palitan ng mga putok.

(BABALA: SENSITIBONG VIDEO)

 

Idineklarang dead on arrival sa pagamutan si Police Lt. Armand Melad na nagtamo ng tatlong bala sa katawan. Tama naman sa ulo ang ikinamatay ng salaring si Moamar Sarif.

Sugatan naman si Police Corporal Allan Baltazar na nagpapagaling ngayon.



Narekober sa bag ni Sarif ang ilang sachet ng shabu.

Napag-alaman ng Parañaque police na matagal na raw naglalako ng iligal na droga ang napaslang na suspek.


Patuloy naman tinutugis ng kinauukulan ang nakatakas na driver na si Joven Miña o alyas “Miro.”

Hanggang ngayon ay umiiral sa lungsod ang curfew habang maigting na ipinagbabawal ng gobyerno ang pag-angkas sa motorsiklo bilang proteksyon sa COVID-19.

Facebook Comments