FLORIDA, USA – Natagpuan at nahuli ng isang YouTuber ang python na may habang 17-foot sa Everglades wetland.
Sa latest video ni Mike Kimmel kilala bilang “Python Cowboy” nitong Biyernes, mapapanood ang kanyang dokumentaryo ng paghuli ng kanyang maituturing na isa sa pinakamalaking python sa lahat ng kanyang mga nadakip.
Nagtungo si Kimmel sa isang isla sa Everglades para humanap ng Burmese python at hindi nagtagal ay isang maliit na ahas ang kanyang nakita.
Nabigla na lang siya dahil katabi nito ay ang biglang pagsulpot ng python na kanyang hinahanap.
Aniya, marami na raw siyang nahuhuling malalaking python ngunit ito raw ay mailalarawan niyang “extra large.”
Sa kalagitnaan ng video, sinimulang hulihin ni Kimmel ang naturang ahas na may kaalaman lalo pa’t nagmamay-ari siya ng Martin County Trapping & Wildlife Rescue.
At sa hindi inaasahang pangyayari, nakagat siya nito sa kanyang braso na nagresulta ng matinding pagdurugo.
Sa huli ay matagumpay naman na nadakip ng python cowboy ang malaking ahas at agad naisakay sa kanyang bangka kung saan niya ito pinatay.
Binalutan naman niya ng malinis na tela ang nagdurugong braso saka ini-report sa Python Action Team sa Florida ang tungkol sa patay na python.
Samantala, naiulat na ang mga pythons ay hindi “indigenous” o nagmula sa Florida.
Taong 1980 nang nagsimulang magkaroon ng python sa bansa dahil sa pag-aabandona umano ng mga pet owners sa lugar.
Kaugnay nito, ang Florida’s Python Action Team ay nangunguna sa pagpapatanggal ng mga uri ng hayop sa isla kung saan nagbabayad sila ng mga taong pwedeng gumawa nito.
Ibinebenta naman online ni Kimmel ang balat ng mga ahas na kanyang hinuhuli.
Nabanggit niya na para sa kanya, ang pinakamahalaga ay ang kaligtasan mula sa bantang dala ng naturang hayop kaya gayon na lang daw ang kanyang kagustuhang mahuli ang mga ito.