PANOORIN: Asong nabaon sa makapal na abo nang 15 araw, milagrong nailigtas

2114
Courtesy Germie Balba

SAN NICOLAS, BATANGAS – Himalang nabuhay ang isang asong naiwan sa Volcano Island na mistulang nailibing ng buhay nang 15 araw bunsod ng pagputok ng bulkang Taal.

Sa kuhang video ni Germie Balba, binalikan ng kapatid niyang si Jay-Ar Balba ang alagang si “Idol” sa inabandonang bahay sa Brgy. Alas-as para mailigtas ito.


Makikitang hinuhukay ng amo ang makapal na abo sa pagbabakasakaling makakapiling pa niya ang nasabing hayop.

Kaya naman labis ang tuwa ni Jay-Ar nang masilayang buhay pa ang alagang si “Idol”. Natagpuan niya itong nanginginig sa gutom, uhaw na uhaw, at nangangayayat na.

Pero kahit nanghihina, tumayo at naglakad ang aso na animo’y naninibago sa kinagisnang kapaligiran. Agad naman itong pinainom ng tubig ng lalaki.

Pahayag ng uploader, maayos na ang kalagayan ngayon ng alagang hayop.



Kasalukuyang naka-lock down ang buong pulo ng Taal at hindi pa pinahihintulutan makabalik ang mga residente doon.

Naantig naman ang puso ng netizens sa tagpo ng mag-amo, dahilan para umabot sa halos 1.1 million views ang naturang video.


Facebook Comments