Nakamamatay na ahas ang ‘di inaasahang pasahero ng isang driver sa Australia, na nasita pa ng pulis dahil sa speeding.
Hinarang ng Queensland traffic enforcer ang driver na kinilalang si Jimmy, 27, na nagmamaneho sa bilis na 123 kilometers per hour noong Hunyo 15.
Sa video na inilabas ng awtoridad, ipinaliwanag ni Jimmy na nagmamadali siyang makarating sa ospital matapos makipaglaban sa makamandag na ahas habang siya’y nagmamaneho.
“I think it has bitten me. It was in the car with me. You can feel my heart, mate,” sabi ng driver.
Dito na napansin ng officer sa likod ng truck ang patay na ahas na natukoy na isang easter brown snake, isa sa pinakamakamandag na uri.
Kuwento ni Jimmy, gumapang ang ahas malapit sa gearstick papunta sa kanyang mga hita.
“It started to wrap around me and then its head just started striking at the chair,” aniya.
Sinubukang iparada ng driver ang sasakyan habang patuloy pa ring dinedepensahan ang sarili mula sa ahas gamit ang kutsilyo at seat belt.
Nang mapatay ang kalaban, itinapon niya ito sa likod ng truck at dali-daling nagmaneho papunta papunta sa ospital sa takot na baka natuklaw siya nito.
Masuwerte namang walang tinamong kagat ang driver na nasuri matapos tumawag ng paramedics ang humarang sa kanyang officer.
“While it’s easier said than done, staying calm and still after a snake bite can help slow down the spread of venom in your body. If you’ve been bitten by a poisonous snake, not moving might save your life,” paalala ng awtoridad sa post.