PANOORIN: Full-body disinfection booth kontra COVID-19, sinubukan sa Hong Kong

Disinfection booth ng Hong Kong International Airport. Image: Hong Kong International Airport via AFP

Ipinasilip ng Hong Kong International Airport ang bagong full-body disinfection booth na may temperature check na magagamit sa gitna ng COVID-19 pandemic, iniulat ng Agence France-Presse.

Ayon sa airpot, sila ang kauna-unahang sumubok sa CleanTech na may konseptong kagaya ng tanning booth — pero imbis na fake tan, disinfectant ang ibubuga sa tao sa loob ng 40 segundo upang mapatay ang virus.

Bukod dito, nagsagawa rin ng pilot test ang airport gamit ang antimicrobial sprays para sa mga high-touch surface sa terminal tulad ng handles, upuan ng Automated People Mover, passenger buses, smart check-in kiosks, check-in counters, toilets, seating areas, baggage trolleys at elevator buttons.


Nagpapakalat na rin ng autonomous cleaning robots na nagdi-disinfect ng public areas at passenger facilities sa buong airport.

Gumagamit ang mga robot ng ultraviolet light upang i-sterelize ang 99% ng mga surface gaya ng public toilets, at puwede rin sa hangin.

Ilang major airlines ang naglatag na rin ng precautionary measures kaugnay ng pandemya, tulad ng Emirates na nagsasagawa ng blood test sa mga pasaherong aalis sa Dubai.

Nagtayo naman ang Etihad Airways ng self-serve, contactless kiosks na maaaring makapagsabi ng temperature, heart rate at respiratory rate ng pasahero.

Ipinag-utos naman ng iba pang airline ang pagsusuot ng face mask ng pasahero sa buong biyahe.

Facebook Comments