Patuloy pa rin ang pagsasagawa ng mabagal ngunit seryosong karera ng mga susô sa England na sinimulan noong pang 1960s.
Ngayong taon, mahigit 200 susô ang isinabak sa taunang Snail Racing World Championships sa Congham, Norfolk nitong Hulyo 20.
Kaiba sa karaniwang karera na pahaba at diretso ang takbuhan, inilagay ang mga susô sa lamesa na may tatlong bilog at ang unang makalabas sa huling bilog ang tatanghaling panalo.
Maaaring magdala ng pambatong susô ang mga kalahok o kaya naman ay pumili sa mga susô ng organizers sa araw ng kompetisyon.
Wagi ngayong taon ang isang English teacher na pumili sa susô na si Sammy, na nakatapos ng karera sa loob ng dalawang minuto at 20 segundo.
Naitala sa Guinness World Record noong 1995 ang susô na si Archie matapos makumpleto ang 13 pulgadang haba ng karera sa loob ng dalawang minuto at 20 segundo.