PANOORIN: ‘Maaksyong’ pagtugis sa lalaking tumangay ng truck sa Davao City

1480
Video from Joseph Tacson

Tila eksena sa pelikula ang pagtugis sa isang lalaking tumangay umano ng nakaparadang truck sa Sta. Ana, Davao City.

Ayon sa pulisya, nahirapan silang arestuhin ang “trucknapper” dahil nag-counterflow at nanagasa pa ng mga kotse habang nakikipaghabulan sa kinauukulan.


Sa bidyong ibinahagi ni Police Auxiliary Joseph Tacson, nilalapitan niya sakay ng motorsiklo ang Elf truck subalit humaharurot pa rin ito.

Hindi pa din nagpatinag ang kawatan kahit hinarangan na siya ng pick-up truck at L300 van sa Bolton Bridge.

Maya-maya pa, napatigil ang “trucknapper” matapos ma-corner ng isa pang pick-up truck.

Dahil ayaw bumaba ng suspek, binutas ng pulisya ang gulong ng tinangay na truck.

Sa kabila ng ginawang aksyon ng awtoridad, hindi pa din bumababa sa sasakyan ang salarin na duguan ang mukha.

Nang makuha ng mga pulis, nanlalaban pa siya at pumapalag habang pinoposasan.

Naganap ang buwis-buhay na pagdakip noong Nobyembre 12 kung saan apat na katao ang nadamay.

Nasa kostudiya pa din ng Sta. Ana Police ang hindi pinangalanang suspek at sinampahan ng reklamong direct assault, carnapping, hit and run, at damage to property.

Facebook Comments

From Advertisers