Magnanakaw ng soft drink, nagpumilit lumabas matapos ikulong ng kahera sa tindahan

FACEBOOK: Polk County Sheriff's Office

FLORIDA, United States — Nag-viral ang isang magnanakaw ng soft drink na nakuhanang nagpursiging lumabas sa tindahan matapos trangkahan ng kahera.

Inilabas ng Polk County Sheriff’s Office ang footage ng pangunguha ni Gabriel Tillman, 49, ng isang bote ng Pepsi sa loob Citgo gas station sa Mulberry.

Pinindot ng kahera ang lock button nang mapansing lalabas na sa convenience store si Tillman nang hindi nagbabayad.


Makikitang pilit binabalya ng kawatan ang pinto at nang hindi mabuksan, fire extinguisher naman ang ginamit niyang panghampas dito.

Minabuti na lamang ng kahera na buksan na ang pinto bago pa madagdagan ang pinsala sa tindahan.

Nakalabas si Tillman dala ang tinangay na Pepsi, ngunit namataan din ng isang pulis malapit sa gas station habang iniinom ang soft drink.

Dinala sa kostudiya ng awtoridad si Tillman at sinampahan ng grand theft of a fire extinguisher, petit theft, at criminal mischief, ayon sa ulat ng Fox 13 Tampa Bay.

Nasa $1,500 (P75,000) ang piyansa ng salarin.

Facebook Comments