PANOORIN: May-ari ng resto, binugahan ng fire extinguisher ang lalaking ayaw tumigil sa paninigarilyo

Screenshot mula sa video ni Jon Bird sa Facebook.

Ginamitan ng fire extinguisher ng isang negosyante sa United States ang lalaking tumangging tumigil sa paninigarilyo malapit sa kanyang restawran.

Ibinahagi ni Jon Bird sa social media ang video ng engkwentro nila ng may-ari ng restawran na si Alex Jamison noong Setyebre 20 sa Utah.

Sa video, makikita si Jamison na may hawak na fire extinguisher habang nakikipagtalo kay Bird na aniya’y naninigarilyo 25 talampakan mula sa kanyang negosyo.


Ipinagbabawal sa Utah ang paninigarilyo sa loob ng 25 talampakan (7.6 metro) mula sa pinto, bintana o air vent ng establisyimento.

Iginiit ni Bird na nasa tamang distansya siya at sumusunod sa batas, pero hindi sumang-ayon ang negosyante at nagbabalang papatayin ang sigarilyo sabay tutok ng fire extinguisher sa mukha nito.

Sinagot si Bird ng “do it” at agad naman din siyang binugahan sa mukha ni Jamison.

“Need to get his info. Assaulted me and ran from the scene before the cops showed up. Anyone know any attorneys that can help? Never thought this would happen,” saad ni Bird sa kanyang Facebook post.

Humingi naman ng paumanhin si Jamison sa isang Facebook post pero nanindigan na wala sa tamang lugar si Bird

“Self-defense” umano ang ginawa ni Jamison at paraan para protektahan ang hangin sa kanyang paligid at ang mga customer.

Alam niya rin umano ang panganib sa kalusugan ng kemikal mula sa fire extinguisher ngunit hindi naman aniya ito carcinogenic o nagdudulot ng cancer kumpara sa usok ng tobacco.

Sinaklolohan naman ng paramedics si Bird na nakaranas ng pananakit ng ulo, mahapding mata, at hirap sa paghinga dahil sa insidente, ayon sa KUTV.

Kumuha na ng abogado si Bird para magsampa ng kaso laban sa negosyante.

Hindi naman nilinaw sa mga ulat kung nasa tamang distansya nga ba si Bird noong nanigarilyo ito.

Facebook Comments