PASIG CITY – Imbis na ikulong, pinagprusisyon ng awtoridad ang mga nahuling lumabag sa curfew sa Barangay Pineda noong Sabado.
Sa video, makikita ang mga sinitang residente na nakahilera at may hawak na kandila. Ilang sandali pa, nagsimula na silang maglakad sa kalye habang nagdadasal.
May suot na face mask ang mga violator at sumusunod din sila sa ipinatupad na social distancing.
Kasama sa prusisyon ang mga kawani ng barangay na nakasuot din ng proteksyon sa mukha.
“Panginoon aming mahal iligtas mo po an gaming barangay sa COVID-19….Nawaý ang mga taong pasaway katulad namin ay matutong tumupad sa batas,” ayon sa maririnig na boses sa nasabing footage.
Pahayag ng kapitan na si Francisco de Leon, ito raw ang naisip nilang parusa para tumino at seryosohin ng publiko ang umiiral na curfew.
Ilang beses na raw silang nakiusap sa mga residente pero panay pa rin ang labas pagsapit ng alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw.
Aniya, pagkatapos daw ng prusisyon ay pinagsasabihan nila ng maayos ang mga hindi umiintindi sa batas.
Base sa inilabas na huling impormasyon ng DOH, 33 ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa siyudad. Umabot naman sa tatlo ang bilang ng mga nasawi.
Nakapagtala naman ng 125 katao na persons under investigastion (PUI) at 94 katao na persons under monitoring (PUM).
Dalawang linggo na ang nakakalipas nang isailalim sa enhanced community quarantine ang buong Luzon bilang pangontra sa lumalaganap na sakit.