PANOORIN: Nakakatuwang banat ni Miss Earth Ghana 2019 tungkol sa water conservation, viral online

(Screenshot ng video mula sa twitter post ni AJ De Leon)

Pumukaw ng atensyon sa mga Pinoy ang nakakatuwang hirit ni Miss Earth Ghana 2019 tungkol sa kahalagahan ng pagtitipid ng tubig na agad na nag-viral online nitong Martes.

Sa ibinahaging video ng isang social media user, mapapanood si Abena Appiah na masayang sinasabi ang kanyang bagong punchline.


“I want to end by saying water is life. Let’s conserve water by always turning off water faucets,” aniya.

Saka sinundan ng, “Gumamit ng tabo, timba, at palang-Ghana!” na nagpahiyaw at nagpapalakpak sa mga nanonood, at agad na umani ng papuri sa mga netizens.

Una nang nagpakilala si Abena dahil sa kanyang mga banat sa kanyang introduction bilang Miss Earth Ghana 2019.

“Ang batang malakas kumain ay laging may Ghana!” ang unang punchline na ginamit niya.

Sunod nito ay ipinasok niya ang linyang, “Kung ikaw ay nalulungkot at tinatamad, kailangan mo ng pampa-Ghana!”

Batay sa kanyang profile sa Miss Earth 2019 website, sinabi nitong nais niya umanong maturuan ang mga tao sa pamamagitan ng nakakatawang paraan.

Nabanggit rin niya ang kagustuhang makapagbahagi ng kaalaman sa mga kabataan para maging “earth warriors” sa hinaharap.

Marami naman ang nagtatanong kung paano natuto ng salitang tagalog si Miss Ghana, gaya ng isang uploader na si Arence Gabriel.

Dito napag-alamang kaibigan niya ang Filipino beauty queen na si MJ Lastimosa dahil sa pagiging batchmates nila noong Miss Universe 2014 kung saan naging close ang dalawa.

Sabi ni Abena, “I do miss MJ! I speak to her every day.”

Kwento niya, kay MJ niya natutunan ang ilang Filipino words gaya ng ‘gana’ na nangangahulugan na appetite, kaya raw niya nasabi ang nauna na niyang punchline.

Samantala, na nalalapit na Miss Earth 2019 pageant ngayong  Oct. 26, sa Okada Manila, hindi maikakailang isa si Miss Ghana 2019 sa mga magiging paborito ng mga Filipino fans.

Facebook Comments