Sa panahon ngayon, tila mahirap na isikreto ang mga ginagawa natin. Bawat kilos at insidente, puwede nang makuhanan ng camera o iba pang video recorder. Ngunit paano kung ang bidyong nasapul ng camera, isa palang uri ng kababalaghan?
Kumakalat ngayon sa internet ang Closed Circuit Television (CCTV) footage ng biglang paggalaw ng nakaparadang wheelchair sa PGI Hospital sa Chandigarh, India.
Ayon kay Manoj Kumar, security guard sa naturang ospital, kusa umanong umandar ang wheelchair nakapuwesto sa gusaling pinagtratrabahuan noong madaling araw ng Setyembre 18.
Aniya, walang tao nung mga oras na ‘yun.
“I came out to drink water and I saw the wheelchair moving on its own,” pahayag ni Kumar sa video outlet na Newsflare.
Sa viral video, mapapansing umaabante ang wheelchair at animo’y umiwas sa railing ng pagamutan. Maya-maya pa, gumalaw ulit ito hanggang sa tuluyan makalabas.
Nakita din sa CCTV footage ang paglabas ni Kumar sa ospital para imbestigasahan ang misteryosong pangyayari.
Hula ng ilang empleyado, maaring kaluluwa ng pasyenteng namatay ang sumakay sa wheelchair.
Paniniwala ng security personnel, hindi ito kagagawan ng multong maligalig. May posibilidad umanong gumalaw ang wheelchair dahil sa lakas ng hangin.
“It was just wind and nothing else. I was also feeling very cold at that time”, ani Kumar.