Sugat at pasa ang tinamo ng isang traffic enforcer matapos kaladkarin ng sinita niyang drayber sa Sta. Cruz, Maynila nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang biktima na si Adrian Lim.
Sa nakalap ng CCTV footage, makikitang nakakapit si Lim sa humaharurot na Mitsubishi Xpander sa Gelinos Street, Barangay 342.
Nabangga pa ng SUV driver ang isang nakaparadang kotse habang tumatakas.
Ayon sa enforcer, sinita niya ang tsuper na si Orlando Ricardo Dizon Jr. dahil sa pagbalewala ng lane marking.
Pero imbis na bumaba at makipagusap, nakipagtalo at pinaandar ng suspek ang minamanehong sasakyan.
Sumabit umano ang biktima upang hindi siya masagasaan nito.
Nang huminto si Dizon, sinubukan ng enforcer kunin ang susi subalit sinuntok siya ng tsuper, na dahilan ng pagkakabitaw niya.
Naisugod si Lim sa Jose Reyes Memorial Medical Center para malapatan ng lunas.
Agad naman nahuli ang salarin sa kahabaan ng Oroquieta St, malapit sa panulukan ng Tayuman St. Depensa ng drayber, nataranta siya sa pangyayari kaya nagawa ito.
Kasalukuyang nakulong si Dizon sa Sta. Cruz Police Station na posibleng matanggalan ng lisensya.