Manila, Philippines – Pinayagang makalabas ng Senado bandang alas dyes kagabi ng si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon para bisitahin ang kanyang misis na nanganak sa isang ospital sa Taytay, Rizal.
Base na rin ito sa utos ni Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon.
Ayon kay Senate Sergeant at Arms Jose Balajadia, nakatanggap siya ng verbal order para payagan si Faeldon na makalabas ng detention facility.
Nagtalaga ng isang team ang Senate Sergeant-At-Arms para samahan si Faeldon.
Samantala sa press statement ni Faeldon, nagpasalamat siya sa awa at kagandahang asal na ipinakita ni Senator Gordon.
Aniya, dahil sa pasya ni Gordon ay masasaksihan niya ang pagsilang ng kanyang bunsong anak at mayayakap na rin ang kanyang mga mahal sa buhay.
Matapos ang 48-oras, kaagad ding babalik sa detention facility ng Senado si Faeldon dahil umiiral pa rin ang contempt na ipinataw sa kaniya dahil sa pagtanggi na humarap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa katiwalian sa Bureau of Customs.