Ipinatupad ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan ang kautusang pansamantalang nagbabawal sa pagpasok ng mga buhay na baboy mula sa mga probinsya ng Ilocos Norte at Ilocos Sur.
Sa ilalim ng Executive order no. 0106-2021 o ang pagpapatupad sa kautusang bawal munang pumasok sa teritoryo ng lalawigan ang mga buhay na baboy na nagmumula sa mga probinsya na nabanggit.
Sa naging panayam ng IFM Dagupan kay OPVET District IV Veterinarian Marissa De Vera, sinabi nitong dahilan umano ng naturang kautusan ay dahil mataas ngayon ang kaso ng African Swine Fever o ASF sa kanilang probinsya. Hindi na rin umano kasama ang probinsya ng La Union dahil cleared na rin naman ito sa ASF Virus gaya ng Pangasinan.
Aniya, wala pa raw umanong naitatala ang Provincial Veterinary Office ng reported cases mula sa 56 swine raisers o ang mga nagmamay-ari ng mga babuyan sa lalawigan ngayon taon kung saan sinabi pa nitong maganda-ganda ang sitwasyon ng mga alagang baboy sa probinsya.
Ayon pa sa kanya, kung matatandaan, noong nakaraang taon ay nasa halos 70% na swine/pigs o mga baboy ang naitalang infected at apektado ng ASF virus.
Tanging layunin lamang ng kautusang ito ay para mailayo at maprotektahan ang mga alagang baboy sa probinsiya mula sa virus at higit sa lahat upang hindi masira at maapektuhan ang negosyo ng mga magbababoy at mga market vendors na tanging paninda ay baboy.
Samantala, patuloy din umano ang serbisyo ng Provincial Veterinary Office sa pagbibigay ng serbisyo partikular na sa binabantayang ASF virus.