
Hinimok ni Senate Committee on Foreign Relations Chairman Senator Erwin Tulfo ang Senado na agad ipasa ang panukalang otomatikong magsususpindi sa Value Added Tax (VAT) at excise tax sa langis at mga produktong petrolyo.
Sa Senate Bill 1935 na inihain ni Tulfo, inaamyendahan ang Sections 106, 107 at 148 ng National Internal Revenue Code.
Ayon kay Sen. Erwin, kapag ang presyo ng produktong petrolyo sa bansa at sa pandaigdigang merkado ay tumuntong na sa $80, otomatikong sususpindihin ng pamahalaan ang VAT at excise tax sa langis.
Paliwanag ng senador, ito ay bilang paghahanda sa mga susunod na araw dahil tiyak na papunta na sa pagtaas ng presyo ng fuel ang nangyayaring gulo ngayon sa Gitnang Silangan.
Iginiit ni Tulfo na mahalagang maging handa ang pamahalaan at makaagapay sa publiko na tiyak na maaapektuhan ng nasabing krisis.










