Sinimulan ng talakayin ng House Committee on Transportation na pinamumunuan ni Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop ang mga panukala na gawing legal at i-regulate ang motorcycle taxis.
Kabilang dito ang House Bill 2833 na inihain ni Batangas 6th District Rep. Ralph Recto na nagsasabing ang motorcycles-for-hire o tinatawag na habal-habal ay maituturing na pinakamabilis na uri ng transportasyon sa gitna ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko.
Sa inihaing House Bill 128 naman ay sinabi ni Cebu 1st District Rep. Rachel Marguerite Del Mar na ang pagkakaroon ng batas ukol sa motorcycle taxis ay makakatulong sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga pasahero ng habal-habal.
Inihain naman nina Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymond Villafuerte, Camarines Sur 5th District Rep. Miguel Luis Villafuerte, Camarines Sur 1st District Rep. Tsuyoshi Anthony Horibata at Bicol Saro Partylist Rep. Nicolas Enciso VIII ang House Bill No. 307.
Kanilang tinukoy na napatunayan sa ibang bansa na makapagbibigay din ng trabaho kapag ginawang legal ang motorcycle taxis katulad sa Indonesia, Thailand, India, Paris at East Africa.
Sa Metro Manila ngayon ay nasa 40,000 ang motorcycle riders na nasa ilalim ng tatlong magkakaibang transport network companies at dahil wala pang batas ay nag-o-operate lang sila sa ilalim ng superbisyon ng Department of Transportation (DOTr) Motorcycle Taxi Technical Working Group.