Inisponsoran na sa plenaryo ang Senate Bill 1410 na nagdedeklara sa February 1 bilang “National Hijab Day”.
Ayon kay Senator Robin Padilla, sponsor ng panukala, layunin nitong maalis na ang diskriminasyon sa mga babaeng Muslim na nagsusuot ng hijab o belo na nakabalot sa ulo hanggang leeg ng mga babaeng Muslim.
Tinukoy ni Padilla na maraming nakararanas ng iba’t ibang uri ng diskriminasyon gaya ng pagpapaalis ng suot na hijab dahil hindi umano naaangkop sa isang institusyon o sa pampublikong lugar, hindi pagtanggap sa propesyon dahil nakakasagabal aniya ito, at pangha-harass sa mga estudyante.
Patunay rito ang pag-aaral ng American Civil Liberties Union kung saan 69% ng mga babaeng naka-hijab ay nakaranas ng diskriminasyon.
Sinabi ni Padilla, hindi lang tela para sa mga babaeng Muslim ang hijab, kundi simbolo ito ng respeto sa sarili at pagkapribado ng isang babaeng Muslim.
Paglilinaw naman ni Padilla, hindi ito sapilitang pagsusuot ng hijab gaya ng ipinoprotesta sa Iran ngayon kundi ito ay kampanya lamang para magkaroon aniya ng kamalayan at tamang kaalaman ukol sa mga hijabi.