Panukala na layong gawing vaccinators ang mga dentista at medical technologists ngayong COVID-19 pandemic, aprubado na sa komite ng Kamara

Lusot na sa House Committee on Health, ang panukalang idagdag bilang mga vaccinators ang mga rehistradong dentista at lisensyadong medical technologists sa bansa upang mapalakas pa ang COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.

Sa inaprubahang House Bill 9354, inaamyendahan nito ang RA 11525 o COVID-19 Vaccination Program Act of 2021. Bukod sa mga doktor, nurses at trained pharmacists, idadagdag na rin sa mga vaccinator ngayong may COVID-19 pandemic ang mga dentista at medical technologists.

Naniniwala si Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan, isa sa mga may-akda ng panukala, na mas magiging epektibo, episyente at mabilis ang pag rollout ng COVID-19 vaccines sa bansa lalo pa’t inaasahan ang pagdating pa ng mas maraming bakuna.


Nilinaw naman ni Tan na limitado lamang ngayong may COVID-19 pandemic ang dagdag na functions ng mga dentists at medical technologists bilang mga vaccinators.

Titiyaking sasailam muna sa pagsasanay ang mga dentista at medical technologists sa ilalim ng Department of Health (DOH) upang mapaghandaan nila ito bago isabak sa pagbabakuna.

Nilinaw ni Tan na hindi gagawing mandatory sa mga dentista at medical technologist ang pagsasagawa ng inoculation ngayong pandemya matapos na tutulan noong una ng PRC-Board of Medical Technology ang panukala.

Suportado naman ng DOH at mga health organizations.

Facebook Comments