Panukala na lilikha ng Bulacan Ecozone, lusot na rin sa ikatlo at huling pagbasa

Pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na lilikha ng Special Economic Zone and Freeport Zone sa Bulacan Airport City o New Manila International Airport (NMIA) ng San Miguel Corp. (SMC).

Sa botong 205 na pagsang-ayon, 6 na tutol at 1 abstention ay nakalusot ang House Bill 7575 na layong magtatag ng Bulacan Airport City Special Economic Zone and Freeport Authority o BACSEZFA na siyang mamamahala sa operasyon ng Bulacan Ecozone.

Nakasaad sa panukala na ang mga negosyo sa loob ng Bulacan Ecozone ay entitled sa mga insentibo na ibinibigay ng Omnibus Investments Code of 1987 at iba pang fiscal incentives na itinatakda ng batas.


Ang Bulacan Ecozone ay lalagyan ng mga pasilidad para sa transportasyon, telecommunications at iba pa.

Paliwanag ni Committee on Economic Affairs Chairperson Sharon Garin, inaasahan na ito ay magreresulta sa economic growth kung saan makakahikayat ito ng mga mamumuhunan gayundin ay makapagbibigay ng hanapbuhay sa mga residente ng Bulacan at mga kalapit na lugar.

Matatandaan na inihiwalay ni Ways and Means Chairman Joey Salceda ang panukala sa pagbibigay ng franchise sa itatayong Bulacan Airport at sa Bulacan Ecozone upang makita ang magiging papel nito para sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.

Facebook Comments