Panukala na magbabawal sa hindi patas na koleksyon ng utang, ipinasasabatas ng Senado

Isinusulong ni Basic Education Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang panukalang batas na magbabawal sa hindi patas at mapang-abusong pangongolekta ng utang.

Agad na ipinasasabatas ni Gatchalian ang Senate Bill 818 o Fair Debt Collection Practices Act na kung saan ang sinumang debt collector o taga-singil ng utang ay ipagbabawal ang pangha-harass, pang-aapi, o pang-aabuso na paraan ng paniningil.

Mahigpit na ipinagbabawal sa panukala ang paniningil ng utang na ginagamitan ng banta ng karahasan, pambabastos at paghahayag o pagbabahagi ng pangalan ng umutang para mapahiya.


Nakasaad din sa panukala ang pagbabawal sa mga debt collector na gumamit ng hindi tunay at mapanlinlang na pamamaraan para makasingil ng utang tulad na lamang ng pananakot na sila ay makukulong o madedemanda kapag hindi nakapagbayad agad.

Nasa panukala rin na anumang kasunduan na pinasok ng umutang at nagpautang ay ipapawalang bisa kung ito ay may halong panloloko o panlilinlang at kung ito ay may pagsisinungaling tungkol sa karapatan ng mga nangongolekta ng utang at sa obligasyon ng nangutang.

Nababahala si Gatchalian dahil marami sa mga guro ang nagiging biktima ng mga ganitong pang-aabuso kaya panahon na aniya para tiyakin ang proteksyon at itaguyod ang kapakanan ng mga guro.

Facebook Comments