Malabo nang gawing prayoridad ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagbibigay ng special powers kay Pangulong Duterte para pabilisin ang mga Build Build Build Projects ng gobyerno.
Ito ay kasunod na rin ng paghahain ni Albay Rep. Joey Salceda ng House Bill 5456 na layong bigyan ng special powers ang Pangulo para alisin ang mga hadlang sa mga BBB projects tulad ng right of way at mabagal na procurement process.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, mismong si Pangulong Duterte na ang umayaw sa balak na pagbibigay sa kanya ng Kongreso ng emergency powers.
Bukod dito, naniniwala ang Ehekutibo na mas kailangan ang special power sa panahon na mayroong emergency para maging epektibo ang implementasyon nito.
Sinabi pa ni Cayetano na balewala na rin ito dahil noong mga unang buwan na hinihiling ang emergency o special powers ay hindi ito ibinigay sa Presidente.
Pinayuhan naman ni Cayetano ang mga kasamahang mambabatas na mag-focus na lamang sila pagpapabilis ng mga Build Build Build Projects at pag-develop ng mga lugar sa labas ng Metro Manila para maibsan ang problema sa matinding traffic.