Panukala na magbibigay proteksyon sa mga mahistrado, hukom, mga abogado at iba pang myembro ng judiciary, pinaaaprubahan na agad sa Kamara

Pinamamadali na ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon ang pagpapatibay sa panukala na magbibigay ng proteksyon at seguridad sa mga myembro ng judiciary, mga judicial personnel, mga korte at iba pang court assets.

Ang panawagan ng kongresista ay kasunod na rin ng napabalitang paghingi ng Calbayog City Police sa korte ng listahan ng mga abogadong kumakatawan sa mga pinaghihinalaang kabilang sa komunistang grupo.

Umaapela si Biazon sa Kamara na agad na aprubahan ang panukala na lilikha ng Philippine Marshals Service na siyang magbibigay ng safety at security sa mga myembro ng hudikatura at upang matiyak din ang mabilis na paghahatid ng hustisya.


Sa oras na maging ganap na batas, magiging tungkulin ng Philippine Marshals Service na protektahan ang mga mahistrado, hukom, opisyal at empleyado ng korte, at mga gusali at iba pang pagmamay-ari ng korte.

Kasama rin sa kapangyarihan nito na magsagawa ng threat assessments at mag-imbestiga sa tulong ng ibang law enforcement agencies sa mga krimen at posibleng banta sa mga nasa judiciary.

Tinukoy ng kongresista na batay sa datos ng Free Legal Assistance Group, aabot sa 8 huwes at 61 abogado ang napatay sa ilalim lamang ng kasalukuyang administrasyon.

Facebook Comments