Panukala na maghihigpit sa mga inila-lobby na proyekto sa pamahalaan, pasado na sa Kamara

Malapit nang ma-regulate ang ginagawang “lobbying practices” sa gobyerno matapos na maaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 7835 o “Lobbying Disclosure Act”.

Tuluyang pinagtibay ang panukala sa botong 193 na sang-ayon habang 6 naman ang tutol na layong magpatupad ng polisiya para sa “full public disclosure” ng mga lobbying activities at transactions sa bansa.

Inaamyendahan ng panukala ang Republic Act 1827 o “An Act to Regulate Lobbying in the Congress of the Philippines and in the Commission on Appointments”.


Tinutukoy sa lobbying activities ang mga aksyon at communications na layong impluwensyahan ang mga ahensya ng gobyerno at mga opisyal para sa pagbuo, pagtutulak at pagpapasa ng kahit anong panukala, pag-draft ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng isang batas gayundin ang paggugol sa public funds.

Oobligahin naman ang mga indibidwal na kabilang sa lobbying na magparehistro sa mga kaukulang registering agencies at gagawin nang mandatory ang pagkakaroon ng lobbying license.

Ang mga retired o resigned government officials ay ipagbabawal naman na ma-engage o magsagawa ng lobbying sa gobyerno sa loob ng isang taon.

Mahaharap naman sa mabigat na parusa ang mga lobbyist na mamemeke ng isinumiteng report at manghihimasok sa proyekto o transaksyon nang hindi naman otorisado.

Facebook Comments