Tiniyak ng liderato ng Kamara na mamadaliin ang pag-apruba sa panukala na magbibigay ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para labanan ang red-tape sa pamahalaan.
Mismong sina Speaker Lord Allan Velasco at Majority Leader Martin Romualdez ang naghain ng panukala nito lamang gabi ng Miyerkules matapos na sertipikahan at ipasa agad ng Senado ang bersyon ng kanilang panukala.
Target na pagtibayin ang House Bill 7884 bukas, October 16 o bago ang recess ng Kamara.
Layunin ng panukala na bigyang kapangyarihan ang Pangulo na madaliin ang proseso ng pagkuha ng permits, licenses at certification tuwing may national emergency.
Ayon kay Romualdez, hinihintay na lamang ng Kamara ang sertipikasyon mula sa Punong Ehekutibo para maaprubahan na nila kaagad sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala.
Samantala, bukod sa pagpapabilis sa proseso ng pagkuha ng mga permits, licenses at certificates ay binibigyang kapangyarihan din ang Presidente na magsuspinde o tanggalin sa pwesto ang sinumang opisyal ng gobyerno o kawani na lalabag sa oras na maisabatas ito.