Panukala na maglilinaw sa pagbibigay ng SRA at iba pang benepisyo para sa healthcare workers, inihain sa Senado

Inihain sa Senado ang panukalang nag-uutos na bigyan ng Special Risk Allowance (SRA) ang lahat ng public at private health workers anuman ang kanilang work status.

Kasama na rin dito ang non-medical at outsourced personnel na kinuha ng mga medical facilities at na-expose sa COVID-19.

Nakapaloob ito sa Senate Bill No. 2371 na inihain nina Senators Richard Gordon at Sonny Angara bilang tugon sa kasalukuyang polisiya kung saan tanging mga health workers na direktang nag-aalaga sa mga COVID-19 patients ang binibigyan ng SRA.


Itinatakda ng panukala ang pagbibigay ng SRA at Hazard Duty Pay (HDP) sa bawat buwan ng kanilang pagsisilbi bukod sa life insurance, accommodation, transportation at meal allowances anuman ang community quarantine status.

Sa ilalim ng panukala ay itutuloy rin ang utos ng Bayanihan 2 na pagbibigay ng 1-M piso sa pamilya ng mamamatay na health workers dahil sa COVID-19, 100,000 pesos naman para sa makakaranas ng malubha o kritikal na kondisyon at 15,000 pesos para sa mild at moderate cases.

Base sa batas ay magiging retroactive mula July 1, 2021 ang pagkakaloob ng nabanggit na benepisyo, magiging exempted sa buwis at magpapatuloy hangga’t hindi binabawi ng pangulo ang deklarasyon ng national public health emergency dahil sa pandemya.

Kapag naisabatas ngayong taon ay tutustusan ito mula sa budget ng Department of Health (DOH) at ipapaloob naman sa pambansa sa susunod na taon.

Facebook Comments