Panukala na magpapabilis sa internet service ng bansa, pinamamadali na ang pagpapatibay sa Kongreso

Hinimok ni Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong ang pamahalaan partikular ang counterpart sa Senado na aksyunan na ang panukala na magpapabilis sa internet service sa bansa sa pamamagitan ng pagpapasok ng foreign investment.

Ayon kay Ong, ang House Bill 78 o New Public Service Law ay nauna nang pinagtibay ng Kamara pero ito ay nakabinbin pa rin sa Senado.

Layunin ng New Public Service Act na tugunan ang problema nang hindi na kinakailangang baguhin o galawin pa ang Konstitusyon.


Sa oras kasi na maisabatas ang panukala ay magbubukas ito ng mas marami at malawak na market competition tulad ng pagpapasok ng mga foreign providers o players na makakapaghatid ng mas mabilis at mas episyenteng internet service.

Tinukoy pa ni Ong na dahil sa COVID-19 pandemic ay marami ngayon ang nakadepende sa paggamit ng internet pero dahil sa liit ng kompetisyon ay nagtitiis ang mga Pilipino na magbayad ng mahal kahit pa hindi maayos ang serbisyo.

Kung mabibigyang kaluwagan ang pamumuhunan ng mga dayuhan sa telecommunications industry ay makakatulong ito para makapaghatid ng magandang serbisyo sa mga consumers at trabaho para sa mga nawalan ng hanapbuhay ngayong pandemya.

Kapag nangyari ito ay hindi malabong pumasok sa bansa ang satellite-based internet service na “Starlink” ng SpaceX na pagmamay-ari ng pinakamayamang tao sa buong mundo na si Elon Musk.

Facebook Comments