Mabilis na inaprubahan ngayong hapon sa ikalawang pagbasa ang House Bill 8648 na nagpapabilis sa procurement at administration ng COVID-19 vaccines ng gobyerno at mga Local Government Units (LGU).
Matatandaang minamadali ngayon ang pagpapatibay sa panukala matapos na sertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo.
Sa ilalim ng COVID-19 Vaccination Program Act of 2021, layon nitong pabilisin ang purchase o pagbili at administration ng bakuna upang matiyak na lahat ng mga Pilipino ay makakatanggap nito.
Pinapayagan nito ang mga LGU na ma-exempt sa pagsusumite ng mga requirements sa ilalim ng Government Procurement Reform Act para mapadali ang proseso ng pagbili ng bakuna.
Bagama’t hindi na kakailanganin ng public bidding ng mga LGU para sa mabilis na pagbili ng COVID-19 vaccines, kailangan pa ring pumasok ng mga ito sa isang multiparty agreement kasama ang Department of Health at National Task Force Against COVID-19.
Lilikha rin ng COVID-19 National Vaccine Indemnity Fund na popondohan ng P500 million para pambayad danyos sa mga mababakunahan na magkakaroon ng adverse effects o magkakaproblema dahil sa bakuna.
Inaasahan na ngayong araw rin ay mapagtitibay na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala.