Panukala na magpapadali sa pagbili ng LGUs ng COVID-19 vaccine, pinasesertipikahan ng urgent kay Pangulong Duterte

Pinasesertipikahang urgent ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kay Pangulong Rodrigo Duterte ang House Bill 8648 o ang panukalang magpapadali sa mga Local Government Units (LGUs) na makabili ng COVID-19 vaccines sa mga manufacturers.

Ayon kay House Committee on Economic Affairs Chairman Junie Cua, hinihintay na lamang nila ang sertipikasyon ng Pangulo para agad na mapagtibay ang Emergency Vaccine Procurement Act of 2021.

Kahapon ay inumpisahan na sa plenaryo ang deliberasyon ng panukala kung saan binibigyang exemption ang LGUs sa pagsusumite ng requirements sa ilalim ng Government Procurement Reform Act upang matiyak na mabilis ang procurement at administration ng mga bakuna na hindi na dadaan sa bidding.


Pero, sa ilalim ng panukala ay napagkasunduan na kakailanganin pa rin ng LGUs na pumasok sa isang multiparty agreement kung saan kasama dito ang Department of Health (DOH) at ang National Task Force Against COVID-19 bago makabili ng COVID-19 vaccines.

Kung matatandaan sa mga naunang pagdinig ay tinutulan ng mga eksperto ang unang proposal na bigyang laya ang LGUs na bumili ng COVID-19 vaccine direkta sa  manufacturers sa pangambang mapag-iwanan ang ilang mga lokal na pamahalaan na may maliit na financial capacity.

Kasama rin sa amyenda ang pagsama sa panukala ng paglikha ng COVID-19 National Vaccine Indemnity Fund na popondohan ng P500 million para pambayad danyos sa mga mababakunahan na magkakaroon ng adverse effects o magkakaproblema dahil sa bakuna.

Ang indemnity fund ay pangangasiwaan ng PhilHealth at ito ay huhugutin sa contingent fund ng Office of the President.

Facebook Comments