Lusot na sa Kamara ang panukalang batas na magtatatag at magbibigay ng serbisyo sa mga “Learners with Disabilities” (LWDs).
Sa botong 197 at wala namang pagtutol ay nakapasa sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 8080 na layong isulong ang “inclusive education” at magtatag ng Inclusive Learning Resource Centers (ILRCs) sa bawat school districts sa bansa.
Sa ilalim ng panukala, isang Inter-Agency Coordinating Council on Learners with Disabilities (IACC-LWDs) ang itatatag bilang isang attached agency ng Department of Education (DepEd).
Inaatasan naman ang DepEd na sumailalim sa mga pagsasaliksik para tukuyin at idisenyo ang mga programa na makakatugon sa pangangailangan ng mga LWDs.
Ang DepEd din ay may mandatong ikampanya sa buong bansa ang prevention, early identification, at intervention programs para sa mga LWDs.
Magtatatag din ng programa para sa support fund para sa paghahatid ng serbisyo sa mga mag-aaral na may kapansanan.