Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 8505 o panukala na magpapalakas sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
231 mga kongresista ang bumoto pabor sa panukala na mag-aamyenda sa Republic Act No. 7227, ang batas na lumikha sa BCDA upang mas mapangasiwaan nito ang mga dating base at pasilidad ng militar gaya ng nasa Subic, Clark, Baguio City, at Metro Manila.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang RA 7227 ay naisabatas noon pang 1992 kaya kailangan na itong amyendahan upang mas magawa ng BCDA ang mandato nito sa pangangasiwa sa mga dating base militar.
Sa ilalim ng panukala ay itataas ang kasalukuyang P100 bilyong kapital ng BCDA sa P400 bilyon at dinadagdagan din ng 50 taon ang termino ngprangkisa nito na maaari na muling palawigin sa hinaharap.
Binibigyan din ng panukala ng kapangyarihan ang BCDA na gawing residential o residential mixed-use ang bahagi ng lupang pinangangasiwaan nito upang makabili ng lupa ang mga nagtatrabaho sa economic zone.
Nililimitahan naman ng panukala sa limang porsyento ng kabuuang lupa ng economic zone ang maaaring gawing residential area.