Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang magpapalakas sa kapasidad ng mga government financial institutions (GFIs) sa ilalim ng isinusulong na Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE) Act.
Sa botong 185-Yes, 16-No at 2-Abstention ay pinagtibay sa huling pagbasa ang House Bill No. 7749 na magbibigay ng financial assistance para sa mga negosyo at kabuhayang apektado ng pandemya.
Ang tulong pinansyal ay gagawin sa pamamagitan ng mga programa na ipapatupad ng Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP) na may layong tugunan ang problema ng mga Micro Small Medium Enterprises (MSMEs) at mga industriya na ipagpatuloy ang kanilang operasyon at panatilihin ang trabaho ng mga empleyado at manggagawa.
Sa ilalim ng panukala, P2.5 billion ang capital na ilalaan sa DBP para sa loan assistance program ng mga kwalipikadong MSMEs at sa pagtatatag ng Special Holding Company (SHC).
Samantala, P7.5 billion naman ang ilalaan na dagdag na paid-up capital na ibibigay sa LandBank para naman sa pagpapautang sa mga MSMEs gayundin sa rediscounting at iba pang programa ng bangko at sa paglikha din SHC.
Target naman na makinabang sa loan assistance ng LBP ang mga negosyong sakop ng agribusiness value chain habang ang DBP naman ay iyong mga MSMEs na kabilang sa infrastructure, services, service industry at manufacturing business.
Maliban dito pinapalawak din ng panukala ang mga programang pautang ng Small Business Corporation (SBC) at Agriculture Credit Policy Council (DA-ACPC) na layong makatulong din sa mga sakop na sektor na apektado ng COVID-19 pandemic.