Aprubado na sa House Committee on Basic Education and Culture at sa Committee on Higher and Technical Education ang resolusyon na nag-oobliga sa Department of Education (DepEd) at sa Commission on Higher Education (CHED) na bigyan ng libreng face masks at Personal Protective Equipments (PPEs) ang mga guro sa bansa sa gitna pa rin ng nararanasang COVID-19 pandemic.
Inadopt ng dalawang komite ang House Resolution 1102 na ini-akda ni Deputy Speaker Deogracias Savellano.
Sa ilalim ng panukala ay pinasasagot sa dalawang ahensya ang suplay ng mga face masks, alcohol at mga PPEs na magagamit ng mga guro na proteksyon laban sa COVID-19.
Ang isinusulong na resolusyon ay makatutulong din para makabawas gastos sa mga guro na apektado rin ng husto ng pandemya.
Nakasaad din sa resolusyon na kung maaari ay pagkalooban din ang mga guro ng laptops o tablets at internet connection na magagamit sa pagtuturo kapag may remote o distance learning.