Lusot na sa ikalawang pagbasa ng plenaryo sa Kamara ang panukala na magbibigay ng special powers kay Pangulong Rodrigo Duterte na suspendehin ang nakatakdang pagtataas ng premium rate contribution ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa ilalim ng House Bill 8461 ay inaamyendahan ang Section 10 ng Universal Health Care Act kung saan nakatakdang tumaas ngayong 2021 sa 3.5% mula sa kasalukuyang 3% ang premium rate contribution sa mga PhilHealth members.
Nakapaloob sa panukala ang pagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na i-defer o suspendehin ang scheduled PhilHealth premium rate contribution matapos ang konsultasyon sa mga kalihim ng Department of Finance (DOF) at sa Department of Health (DOH).
Ipapatupad ang suspensyon sa PhilHealth premium rate hike kapag may national health emergency lalo na kung nakasalalay rito ang kapakanan ng publiko.
Ayon naman sa isa sa mga may-akda ng panukala na si Marikina Rep. Stella Quimbo, aabot lamang sa ₱12 billion ang mawawala sa koleksyon sa kontribusyon ng PhilHealth mula sa ₱86.8 billion na inaasahang makokolekta ngayong taon sa mga members.