Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na nagpapalawig sa bisa ng 2021 national budget hanggang sa katapusan ng 2022.
Sa botong 168 na sang ayon, 6 na tutol at zero abstention ay naaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 10373.
Sa ilalim ng panukala ay ine-extend o pinapalawig ang “validity” o bisa ng 2021 General Appropriations Act o GAA, mula sa December 31, 2021 hanggang December 31, 2022.
Nauna nang ikinatwiran ni House Committee on Appropriations Chairman Eric Yap na siyang may-akda ng panukala na dahil sa COVID-19 pandemic, naapektuhan ang operasyon at release ng budget para sa proyekto ng mga ahensya ng pamahalaan.
Bukod dito, marami sa alokasyon sa pambansang pondo na hindi pa nagagamit ngayong taon ay para sa pagtugon sa pandemya kaya nararapat lamang na mapalawig ang paggamit dito hanggang sa susunod na taon.
Dahil pasado na sa Kamara, sunod na iaakyat na ito sa Senado at inaasahang mapapagtibay kaagad sa Mataas na Kapulungan.