Inaprubahan na sa House Committee on Higher and Technical Education ang substitute bill na layong gawing batas na ang University of the Philippines-Department of National Defense o UP-DND Accord.
Sa pagdinig ng komite, inihayag ni Atty. Ted Te, kumatawan kay UP President Danilo Concepcion, na suportado nila ang panukala upang maisulong ang interes at proteksyon ng komunidad, mga guro at mga estudyante ng UP.
Gayunman, hindi suportado ng Department of National Defense (DND) ang panukala.
Ayon kay Atty. Norman Daanoy, ang UP-DND Accord ay nakaka-apekto sa ilang prosesong nasa ilalim ng batas, partikular ang pag-iisyu ng warrants.
Dagdag pa nito, matagal nang tutol ang DND sa naturang kasunduan dahil sa posibleng paglabag sa Konstitusyon.
Matatandaang winakasan ni DND Secretary Delfin Lorenzana ang 1989 UP-DND Accord na nagbabawal sa mga pulis at sundalo na pumasok sa campus ng UP.