Panukala na nagsususpinde sa excise tax sa langis sa loob ng anim na buwan, pinamamadali na ang pagpapatibay sa Kamara

Pinaaapura ni Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate sa liderato ng Kamara ang tuluyang pagpapatibay sa panukalang nagsususpinde sa excise tax sa produktong petrolyo sa loob ng anim na buwan.

Giit ni Zarate, kung tutuusin ay “watered-down” na nga ang bersyon na ito para maging mabilis ang pag-apruba ngunit tila hinaharangan ng mga economic managers na mabawasan ang paghihirap ng mga consumers lalo’t may panibago nanamang oil price hike na ipapatupad ang mga kumpanya ng langis.

Aniya, sa orihinal na proposal ng Makabayan ay nais nilang tuluyang ibasura na ang excise tax sa lahat ng oil products na ipinapataw sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.


Pero para aniya sa pagkakaisa at para mapadali ang pag-apruba sa panukala ay napapayag din sila na gawin na lamang anim na buwan ang suspensyon sa excise taxes sa langis.

Batid aniya nila na mismong si Speaker Lord Allan Velasco ay itinutulak na maaprubahan ang panukala nitong Disyembre pero hindi ito ang nangyari.

Umaasa ang Makabayan na sa pagbabalik sesyon ay mahihikayat ng house leadership ang mga myembro ng Kamara na mapagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala ngayong Enero.

Facebook Comments