Manila, Philippines – Tiniyak ng House Committee on Labor and Employment na maipapasa ang panukala na Occupational Safety and Health Standards para sa film, television at theater industry sa bansa.
Ito ay matapos simulang talakayin sa Kamara ang pitong panukala na tumitiyak sa kaligtasan at karapatan ng mga nasa entertainment industry.
Ang pagkamatay ng beteranong aktor na si Eddie Garcia sa gitna ng shooting ng isang telenovela ang isa rin sa mga rason sa pagsusulong ng panukala.
Ayon kay Committee on Labor Chairman Eric Pineda, aaprubahan nila ang panukala sa Kongreso bago matapos ang taon.
Sinabi naman ni Quezon City Representative Precious Hipolito-Castelo na malaking banta sa kalusugan ng naturang industriya ang kawalan ng ispesipikong oras ng pagta-trabaho dahil minsan ay umaabot ng 24 oras ang kanilang shooting.
Hiniling naman ni ACT-CIS Partylist Representative Jocelyn Tulfo na isama sa mabibigyan ng proteksyon ang mga media practitioners na nilalagay ang sarili sa panganib upang makapagbigay lamang ng balita.
Nagpasalamat naman si Actors Guild of the Philippines President Rez Cortez na sa wakas ay nabigyang pansin na rin ng pamahalaan ang kanilang matagal nang panawagan.