Panukala na pag-amyenda sa Oil Deregulation Law, lusot na sa komite ng Kamara

Inaprubahan na sa House Committee on Energy ang substitute bill na nag-aamyenda sa Republic Act 8479 o ang Oil Deregulation Law.

Matapos ang manifestations ng mga may-akda ng mga inihaing panukala at resolusyon ay nagmosyon ng pagapruba si Nueva Ecija Rep. Ria Vergara at mabilis na ipinasa sa komite ang substitute bill ‘subject to form and style’.

Sa pinagtibay na panukala, inaatasan ang lahat ng mga oil refiner, importers at bulk distributors na panatilihin ang minimum inventory requirement (MIR) sa kada kompanya kada depot at kada produkto.


Dito ay obligado ang mga refiner, importers at distributors na mag-maintain ng 30 araw na suplay at ang presyo ng mga finished petroleum product ay ibabase sa imbentaryo ng crude oil.

Ipinasusumite naman sa Department of Energy (DOE) ang itinakdang presyo ng mga kumpanya ng langis gayundin ang volume sa bentahan at inventory requirements sa mga produktong petrolyo.

Layunin dito na hindi maisama ng mga oil companies sa taas-presyo ang mga produktong petrolyo na nabili sa murang halaga.

Ang mga downstream oil industry na lalabag sa oras na maging ganap na batas ang panukala ay mahaharap sa multang P50,000 hanggang P300,000 at suspensyon at pagbawi sa kanilang registration.

Kapag ang DOI naman ay sangkot sa overpricing, ito ay mahaharap sa 3 buwan hanggang 1 taong pagkakabilanggo at suspensyon sa kanilang lisensya, permit o clearances.

Facebook Comments