Sinusuportahan ni PNP Deputy Chief for Administration at JTF Covid Shield Commander Pol. Lt. Gen. Guillermo Eleazar ang panukala ni Department of the Interior and Local Government Unit (DILG) Sec. Eduardo Año na payagan ang mga mahihirap na mga kabataang estudyante sa loob ng mga internet shops.
Ayon kay Gen. Eleazar, ang panukala ay tatalakayin sa susunod na pagpupulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) at ng National Task Force Against COVID-19 sa pangunguna ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Layunin nitong matulungan sa kanilang pag-aaral ang mga mag-aaral na walang sariling computer na makasabay sa ipinatutupad na blended distance learning.
Matatandaang sinabi ni Eleazar na batay sa mga umiiral na quarantine protocols, hindi pinahihintulutan ang mga menor de edad sa loob ng mga business establishments kabilang ang internet shops.
Habang ang ibang Local Government Unit (LGU) ay magbibigay ng mga gadget at computer sa mga mag-aaral, pero hindi lahat ng mga LGU ay may sapat na pondo para dito.
Sinabi ni Eleazar na nauunawaan ng PNP ang sitwasyon ng mga mahihirap na mag-aaral kaya utos ni PNP Chief Pol. Gen. Camilo Pancratius Cascolan sa mga local police commanders na gumawa ng mga hakbang para matulungan ang mga ito na maka-access sa computer.