Hiniling ni 1-CARE Partylist Rep. Carlos Uybaretta sa Kamara na gawing prayoridad sa pagbabalik ng sesyon ang House Bill 7939 o ang panukala na layong tugunan ang problema sa pagdagsa ng mga Chinese workers sa bansa.
Ayon kay Uybarreta, ito ang nakikita niyang solusyon sa pagdami ng foreign workers sa Pilipinas na walang proper immigration at Labor Department clearances.
Paliwanag ng kongresista, kailangan nang amiyendahan ang 1940 Commonwealth Act 613 dahil wala itong itinatakdang sub-categories sa issuance ng visas.
Sa ilalim ng panukala ay magkakaroon ng visa category sa non-immigrants kabilang na ang G-visa para sa prearranged employment, A-1 visa sa business visitors, D-1 visa sa treaty traders at D-2 visa sa treaty investors.
Lilikha rin ng Commission on Immigration na siyang magdedesisyon sa deportation cases, immigration status, at citizenship applications.
Kung mamadaliin ng dalawang Kapulungan ang pag-apruba sa panukala ay maaaring maisumite agad ito sa Office of the President at malagdaan bago mag-adjourn ang 17th Congress sa Hunyo.