Inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na magbibigay ng diskwento sa mga mahihirap na job applicants para sa pagkuha ng hinihinging requirements mula sa gobyerno.
Sa botong 228 na pagsang-ayon at wala namang pagtutol ay nakapasa ang House Bill 6593 o ang “Poor Job Applicants Discount Act.”
Sa ilalim ng panukala ay bibigyan ng 20% discount sa pagkuha ng government certificate at clearances ang mga mahihirap na job applicants.
Kabilang sa mga dokumento na may 20% discount para sa mga mahihirap na aplikante ang barangay, police o NBI clearance, birth certificate, marriage certificate, medical certificate sa pampublikong ospital, Transcript of Records (ToR) sa State Universities and Colleges (SUCs) at iba pang dokumento mula sa gobyerno na hinihingi sa pag-a-apply ng trabaho.
Maaaring i-avail ng isang mahirap na aplikante sa trabaho ang discount isang beses kada anim na buwan sa bawat tanggapan o ahensya ng gobyerno.
Ang sinumang public officer o employee na tatanggi o hindi magbibigay ng diskwento sa mga eligible na applicants ay pagmumultahin ng P5,000 hanggang P20,000.
Mahaharap din sa parusa ang mga mamemeke ng dokumento para makakuha ng discount.