Panukala para labanan ang foreign smuggling sa bansa, lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara

Inaprubahan na sa Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas laban sa smuggling ng foreign currency sa Pilipinas.

Sa botong 197 na sang-ayon at wala namang pagtutol ay napagtibay sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ang House Bill 8927 o Anti-Bulk Foreign Currency Smuggling Act.

Sa ilalim ng panukala ay pinapalawig ang coverage o sakop ng Anti-Money Laundering Act of 2001 kung saan isasama rito ang one-time inbound o outbound transport ng cash na aabot sa P500,000 o higit pa.


Mahaharap sa 7 hanggang 14 na taon na pagkakakulong ang sinumang mapapatunayang lalabag sa batas.

Tinukoy ng mga may-akda ng panukala na malaking banta ang bulk cash smuggling sa peace and order, national security, institutional at financial integrity ng bansa kaya naman ipinapanawagan din ang agarang pagsasabatas ng panukala.

Naunang iginiit ni Albay Rep. Joey Salceda, may-akda ng panukala na kailangan na ng agarang reporma laban sa bulk-cash smuggling dahil kinokonsidera ng intergovernmental watchdog na Financial Action Task Force (FATF) na “red flag” ang ilegal na pagpasok at paglalabas ng bultu-bultong halaga ng pera sa bansa.

Aniya, ang bulk-cash smuggling ay isang potential source ng terrorist financing at sinasamantala rin ng mga syndicated crime groups.

Facebook Comments