Panukala para paigtingin ang microfinance at capital support sa mga MSMEs, lusot na sa komite ng Kamara

Aprubado na sa House Committee on Ways and Means ang substitute bill ng House Bills numbers 4878 at 5610 para matulungan sa paglago ang mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs).

Layunin ng panukala na patatagin ang microfinance programs at bigyan ng access para sa pamumuhunan at pag-unlad ang mga MSMEs.

Nakalusot sa komite ni Ways and Means Committee Chair Joey Salceda matapos amyendahan ang Section 9 ng panukala.


Sa ilalim ng amendment, ang lahat ng grants, financing, donasyon at kontribusyon para sa mga MSMEs sa ilalim ng Puhunan, Tulungan at Kaunlaran (PTK) Act of 2019 ay ililibre sa pagbabayad ng donor’s tax at ikukunsidera rin ito bilang allowable deduction mula sa gross income ng donor salig na rin sa probisyon ng National Internal Revenue Code.

Nakasaad din sa panukala na gawing simple at praktikal ang proseso ng pagkuha ng mga MSMEs ng micro financing, grants, at technical support.

Ang mga uutangin ng mga MSMEs ay tinitiyak na gagamitin para sa pamumuhunan at ang loan interest ay hindi dapat mas mataas sa interest na ipinapataw sa kasalukuyang mga bank rates.

Sa oras na maging ganap na batas, aabot sa P125 billion ang ilalaan para sa 5 taon na implementasyon ng PTK Five-Star Program at PTK Loan Program.

Facebook Comments