Panukala para sa ABS-CBN franchise, diringgin na ng Kamara sa susunod na linggo

Nagdesisyon na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na simulan na sa susunod na linggo ang pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN.

Ayon kay Speaker Alan Peter Cayetano, binibigyan niya ng “full autonomy” ang House Committee on Legislative Franchises para umpisahan nang talakayin ang 25-year franchise ng giant network.

Sa pagtaya ng speaker, dalawa hanggang tatlong beses ang pagdinig na gagawin kada linggo gayundin ay may witnesses at resource persons na oobligahin minsan na humarap o pisikal na pumunta sa hearing pero ipatutupad ang mahigpit na protocol sa social distancing.


Tiniyak ni Cayetano na tuluy-tuloy ang gagawing pagdinig sa ABS-CBN franchise kahit pa naka-recess na ang Kongreso.

Ito aniya ay para hindi na masabi ng ilan na pinipigilan ng Kamara ang pagbibigay ng prangkisa sa broadcast company ng mga Lopez.

Kasama naman sa mga sisilipin ng Kamara sa pagtalakay sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN ang paglabag umano ng network sa tax and labor laws, paglabag sa terms and conditions sa naunang franchise, Filipino ownership at foreign citizenship issue.

Inaasahan ni Cayetano na bago mag-State of the Nation Address (SONA) si Pangulong Rodrigo Duterte sa July 27, 2020 ay tapos na ang Kamara sa pagtalakay sa ABS-CBN franchise.

Facebook Comments