Sa botong pabor ng 266 mga kongresista at lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ang House Bill 8500 para sa bagong National Building Code ng bansa.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez, layunin ng panukala na gawing ligtas ang mga gusali at imprastrakturang itatayo at maging matatag ito laban sa mga kalamidad gaya ng lindol, bagyo at sunog.
Paliwanag ni Romualdez, hindi na akma sa kasalukuyang panahon ang umiiral na building code na nakapaloob sa Presidential Decree No. 1096, na ginawa noon pang Pebrero 19, 1977 o mahigit 45 taon na ang nakakaraan.
Ayon kay Romualdez, marami na ang nangyaring developments sa building standards and technologies, climate change, at disaster risk reduction and management.
Target ng panukala na i-update ang kasalukuyang National Building Code upang makatugon ito sa mga naging pagbabago sa paglipas ng panahon kasama na rito ang pagproseso ng mga kinakailangang permit kasabay ng pagtiyak ng kaligtasan ng ari-arian.
Ang kalihim ng Department of Public Works ang magsisilbing pangunahing implementer ng panukala at siyang magtatalaga ng National Building Official (NBO).