Naghain si Senador Ralph Recto ng panukalang-batas na magpapalawig ng prangkisa ng ABS-CBN ng panibagong 25 taon.
Mawawalan na ng bisa ang prangkisa ng ABS-CBN sa Marso 30, 2020.
Sa Senate Bill No. 981 na ipinasa nitong Miyerkules, kinilala ni Recto ang ABS-CBN bilang pinakamalaking media network sa bansa pagdating sa kabuuang kita, ari-arian, at bilang ng manggagawa.
Nakasaad sa panukala na sa kabila ng pagiging popular ng social media, nangunguna pa rin ang telebisyon sa mga probinsya at iba pang liblib na lugar.
“ABS-CBN has remained steadfast in its commitment to reach out to as many Filipinos as possible by delivering their quality core programs closer to our countrymen by taking advantage of emerging broadcast technologies,” saad pa sa panukala.
Nakabinbin pa rin ang parehong panukala na inihain sa Kongreso noon pang 2016.
Habang sa pagbubukas ng 18th Congress nitong Hulyo, muling binuhay ang panukalang-batas.
Sa kabila ito ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na haharangin niya ang renewal ng prangkisa ng ABS-CBN kasunod ng hindi umano nito pagpapalabas ng kanyang campaign ad noong 2016 presidential election kahit binayaran na.