Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang House Bill 6803 o ang Renal Replacement Therapy Bill sa botong 290 Yes at wala namang pagtutol.
Layunin ng panukala na inihain ni Baguio City Representative Mark Go na bigyan ng free dialysis treatment ang mga pinakamahihirap na pasyente, gayundin ang mabigyan ng komprehensibong Renal Replacement Therapy (RRT) ang mga pasyente na nasa end-stage na ng sakit.
Palalawigin ng panukala ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) coverage sa RRT para sa mga mahihirap kung saan kasama na sa package ang medical services, mas malawak na access sa kidney transplants at iba pang gamutan.
Umaasa ang Kongresista na kapag naisabatas ay mas maraming national, regional at provincial government hospitals ang magbibigay ng free dialysis sa mga mahihirap na may Chronic Kidney Disease (CKD).
Tinukoy pa sa panukala na umaabot ng P2,000 hanggang P2,500 ang kada session sa dialysis treatment sa government hospital habang P4,000 naman sa mga pribadong pagamutan.